Paniping Pagsusuri sa Pananaliksik ng Teolohiyang Pilipino: Kapantasan ni Karl Gaspar bilang kasong Pag-aaral

Authors

  • Mark Joseph Santos PHILIPPINE WOMEN’S UNIVERSITY/ DLSU

Abstract

Isa sa mga landas na maaaring suungin tungo sa pagpapayabong ng kasaysayang kapantasan o kasaysayang intelektuwal ng anumang disiplina ay ang pagpaparami ng umiiral na eksposisyon ukol sa kaisipan ng mga pantas ng disiplinang iyon. Totoo rin ito sa kaso ng Teolohiyang Pilipino, isa sa mga kilusang Pilipinisasyon na umusbong noong 1970s (kaalinsabay ng mga “kapatid” nito tulad ng Pilosopiyang Pilipino, Sikolohiyang Pilipino, Pantayong Pananaw, at Pilipinolohiya). Sa pagsasagawa ng eksposisyon, isa sa mga pamamaraan na maaaring kasangkapin ay ang paniping pagsusuri (citation analysis). Bagaman hindi isang katutubong pamamaraan dahil galing sa Kanluran, malaki ang potensyal ng pamamaraang ito upang mas matasa ang katanggapan (reception), saysay, at bisa ng kapantasan ng isang intelektuwal sa konteksto ng kanyang akademikong komunidad. Kung tutuusin, hindi pa gaanong nagagalugad ang potensyalidad ng pamamaraang ito sa Teolohiyang Pilipino sa partikular, at kahit pa sa buong akademyang Pilipino sa kabuuan. Sa katunayan, kakaunti palang ang naglalapat ng paniping pagsusuri sa mga Pilipinong pantas. Isa sa kakarimpot na nagsagawa nito ay si Ramon Guillermo (2013), na ginawan ng paniping pagsusuri ang Contracting Colonialism ni Vicente Rafael. Upang ipamalas ang potensyal nito bilang metodo sa Teolohiyang Pilipino, susubukan ng presentasyon na ilapat ito sa kapantasan ni Karl M. Gaspar, na maituturing na isa sa pinakaprominenteng Pilipinong teologo. Kung tutuusin, marami na ring eksposisyong naisulat ukol sa samu’t saring aspekto ng kapantasan ni Gaspar: prekolonyal na espirituwalidad (Sadje 2020), paglubog sa katutubong komunidad (Maboloc 2021, 2022), pagiging dalubdula (Castrillo 1996, 1997a, 1997b), at kabuuang larawan ng kanyang kapantasan (Odchigue 2018). Sa kabila nito, wala pa ring umiiral sa kasalukuyan na isang paniping pagsusuri (citation analysis) ukol kay Gaspar. Gamit ang citation generator ng Google Scholar, sisiyasatin ng mananaliksik ang padron ng mga sumusunod na aspekto: bilang ng pagsipi, mga akdang sinisipi, mga ideyang sinisipi, mga may-akdang sumisipi, mga paksang pinagsisipian, paraan ng pagkakasipi, at mga larangang pinagsisipian. Bilang isang kasong pag-aaral, layon ng pag-aaral na magsilbing isang imbitasyon sa iba pang mananaliksik na ireplika ang metodo nito, at magsagawa rin ng paniping pagsusuri sa marami pang teolohikong luminaryo ng bansa tulad nina Catalino Arevalo, Edicio de la Torre, Vitaliano Gorospe, Jose de Mesa, Melba Padilla Maggay, Leonardo Mercado, Dionisio Miranda, at marami pang iba. Sa pamamagitan nito, mas maimamapa natin ang kasaysayang kapantasan ng Teolohiyang Pilipino.

Published

2024-09-09

How to Cite

Santos, M. J. (2024). Paniping Pagsusuri sa Pananaliksik ng Teolohiyang Pilipino: Kapantasan ni Karl Gaspar bilang kasong Pag-aaral. National Conference on Catechesis and Religious Education Conference Proceedings, 12, 69. Retrieved from https://hitik-journal.reapph.org/NCCRE/article/view/39