SALAT, SAPAT, SOBRA: WIKA AT KULTURANG PILIPINO BILANG BATIS NG PAGDADALUMAT TUNGO SA ISANG PILIPINONG TEOLOHIYA NG PANGANGALAGANG PANGKALIKASAN


Received: September 09, 2024 | Published: September 09, 2024

Authors

  • Mark Joseph Santos Departamento ng Filipino, De La Salle University, Philippines

Abstract

Ang presentasyong ito ay isasagawa alinsunod sa balangkas na nalikha mula sa isang mas nauna kong artikulo na “Ginhawa, Hanapbuhay, Himagsikan: Tungo sa Isang Pilipinong Pagdadalumat ng Katarungang Panlipunan/Katwirang Bayan” (2020), na naggigiit ng kakayahan at saysay ng wika at kulturang Pilipino bilang batis ng pagteteorya. Sa pagkakataong ito, itutuon ang pansin sa wika at kulturang Pilipino sa pagdadalumat ng isang Pilipinong teolohiya ng pangangalagang pangkalikasan. Isasagawa ito sa pamamagitan ng pagtuon sa interkoneksyon sa pagitan ng mga dalumat ng “salat,” “sapat,” at “sobra.” Pangunahin itong tutungtong sa “teolohiya ng sapat” na nauna nang dinalumat nina Mary Antonette Beroya at Max de Mesa sa Sapat: An Environmental Ethic for Personal and Social Transformation. Susubukang palawigin ang naunang pagdadalumat na ito sa pamamagitan ng pag-uugnay rito sa “salat” at “sobra.” Iuugnay rin ang tatlong ito sa iba pang mahalagang Pilipinong dalumat tulad ng “ginhawa,” “loob,” at “ganda.” Liban sa wikang Filipino, hahalaw rin ang presentasyon mula sa katutubong kaalaman ng ilang Pilipinong pangkat etniko ukol sa pangangalaga sa kalikasan. Gamit ang balangkas ng “Liwanag-Diliman-Muling Liwanag” ng Pilipinong historyador na si Zeus Salazar at sa diwa ng thematic cultural exegesis ng Pilipinong teologo na si Jose de Mesa, isusulong ang argumento na mahalaga ang “pagbabalik-loob” ng kasalukuyang lipunan sa kalinangan ng sinaunang pamayanang Pilipino, bilang pagbalikwas sa mapangwasak na kapitalistamodernistang pananaw ng Kanluran sa kalikasan na nadala sa Pilipinas dahil sa kolonyalismo. Ito’y sapagkat ang etika ng salatsapat-sobra ng sinaunang pamayanang Pilipino ay mas malapit at mas tapat sa Biblikal na pananaw sa kalikasan.

Downloads

Published

2024-09-09

How to Cite

Santos, M. J. (2024). SALAT, SAPAT, SOBRA: WIKA AT KULTURANG PILIPINO BILANG BATIS NG PAGDADALUMAT TUNGO SA ISANG PILIPINONG TEOLOHIYA NG PANGANGALAGANG PANGKALIKASAN. National Conference on Catechesis and Religious Education Conference Proceedings, 11, 36–37. Retrieved from https://hitik-journal.reapph.org/NCCRE/article/view/67